Iniuwi na sa kaniyang bayan sa Mountain Province nitong Lunes ng madaling araw ang bangkay ng Overseas Filipino Worker na namatay sa isang suicide bombing sa Kabul, Afghanistan noong unang bahagi ng buwang kasalukuyan.
Ang bangkay ni Zennia Aguilan, 31, ay naunang dinala nitong Linggo sa Baguio City matapos itong dumating sa Ninoy Aquino International Airport noong Sabado ng gabi.
Batay sa report ang labi ng nasabing OFW ay dinala sa Sagada, Mountain Province.
Si Aguilan, nagtapos ng kursong Physical Therapy sa San Carlos City, Pangasinan ay dumating sa Kabul, Afghanistan noong Hulyo ng nakalipas na taon kung saan nagtrabaho ito bilang Supervisor sa SPA Resources International. Kabilang si Aguilan sa pito kataong nasawi sa suicide bombing noong Enero 14 ng taong ito sa Serena Hotel sa Kabul. (Joy Cantos)