Colorum vehicles bawal na sa mga mall
Ayaw ipagamit ng mga mall owners ang kanilang pagmamay-aring establisimiyento para gamiting terminal ng mga colorum vehicles.
Ito ay makaraang makipag-ugnayan ang pamunuan ng Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB) sa mga mall owners na huwag payagan ng mga itong magamit na terminal ang kanilang lugar para makapasada ang mga kolorum na sasakyan.
Sinabi ni LTFRB Chairman Thompson Lantion, para sa ligtas na pagdating ng mga mall customers sa kanilang destinasyon, kailangang mga lehitimong pampasaherong sasakyan lamang ang dapat na magsasakay sa mga customers nito.
Una rito, nagreklamo kay Lantion ang mga legitimate bus at jeepney drivers na wala na silang kinikita sa kanilang pamamasada dahil sa epektong dulot ng pamamasada ng mga colorum na sasakyan na pumapasok sa kanilang mga ruta.
Samantala, nanawagan naman si Jun Magno, pangulo ng Confederation ng FX, AUV’s Operators and Drivers Association sa LTFRB na buksan ang pintuan ng ahensiya para mabigyan ng franchise ang mga colorum na sasakyan.
Anya, gusto naman ng mga commuters na sumakay sa mas presko at kumportableng sasakyan tulad ng mga van papunta sa kanilang mga destinasyon at wala namang ibang pinagkikitaan ang ibang private vehicle owners na namamasahero kayat nagbabasakaling kumita para sa pang-araw-araw na pamumuhay ng pamilya ng mga ito.
Sa ulat, ilang commuters naman ang nagsabing comportable sila at konting halaga lamang ang deperensiya ng singil ng pasahe sa mga airconditioned colorum vehicles kung ikukumpara sa mga kakarag-karag at mga luma ng pampasaherong jeep na pumapasada sa mga lansangan.
Sa panig ng LTFRB, sinabi ni Lantion na pag-aaralan ng ahensiya kung magbubukas sila ng bagong linya para mga private vehicles. (Angie dela Cruz/Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending