Hinimok ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang mga residente ng Tondo na idaos ng masaya subalit mapayapa ang pagdiriwang ng Kapistahan ng Poong Sto. Nino kahit walang ‘inuman’.
Maari umano ito kung sa halip na ipambili ng alak ay sa ibang importanteng bagay tulad ng pagkain at karagdagang handa sa hapag-kainan at ibaling sa kantahan sa videoke sa halip na sa baso ng alak.
Nais ng alkalde na maputol na ang taunang mga kaso ng patayan sa araw ng Pista na nag-uugat lamang umano sa walang kwentang biruan at away sa tuwing mga lasing na.
Gayunman, sakaling hindi maiiwasan ang pag-inom, dapat ay alam na ng bawat isa ang kanilang limitasyon. Kung hindi na umano kaya ang sobrang alak ay napupunta na sa ulo ang epekto nito.
“Sana po ay sa tiyan natin ilagay ang alak at huwag sa ulo. Mas maganda pa nga kung ‘wag na po tayong uminom ng alak,” anang alkalde.
Kaugnay nito, tiniyak ni Lim na may karagdagang mobile police sa isang ‘chaos prone area’ upang agad na maaresto ang mga pasaway at hindi na magbunga pa ng rambulan.
Si Lim ay lumaki sa Tondo at kasalukuyan pa ring residente ng Tondo. (Ludy Bermudo)