Hospital holiday banta ng mga doktor

Inatasan kahapon ni Pangulong Arroyo ang Department of Health (DOH) na makipag-ugnayan sa Philippine Medical Association (PMA) kaugnay sa bantang hospital holiday ng mga doktor kapag hindi inalis ang kinukuwes­tyong probisyon sa Chea­per Medicines Bill.

Sinabi ni Presidential Spokesman at Press Secretary Ignacio Bunye, da­pat ay magkaroon ng pag-uusap ang DOH at PMA dahil hindi naman maku­kuha sa ganitong pama­maraan ang solusyon sa hindi pagkakasundo sa nilalaman ng batas.

Wika ni Sec. Bunye, ang mga kawawang pas­yente ang maiipit sa ga­nitong sitwasyon at hindi ito makakabuti para sa pang­kalahatan sakaling ituloy ng PMA ang banta nilang hospital holidays.

Ipinaubaya naman ng Malacañang sa Kongreso ang pag-aaral sa probisyon ng Cheaper Medicine Bill kung saan ay ipinagba­bawal sa mga doctor ang pagrereseta ng mga bran­ded na gamot at generics lang ang pwede.

Ayon kay PMA President Dr. Jose Sabili, kung hindi mapipigilan ang probisyon ay malalagay umano sa panganib ang kalusugan ng publiko kaugnay na rin ng mga gamot na kanilang iniinom.

Ipinaliwanag ni Sabili na hindi lahat ng mga generic na gamot ay kasing epektibo ng mga branded na gamot. Karamihan uma­no sa mga ito ay kailangan ang maramihang paggamit upang maging epektibo.

Sinabi rin ni Dr. Rey Melcor Santos, vice-president ng PMA, sa sandaling hindi gumaling ang pas­yente dahil sa ibinigay nilang gamot na generic ay siguradong sila ang sisi­sihin nito at hindi naman ang gobyerno o Kongreso na gumawa ng nasabing batas. (Rudy Andal/Doris Franche)

Show comments