Villarosa naka-confine sa Makati Med

Dahil sa lumalalang sakit na cancer sa baga, naka-confine ngayon si dating Occidental Mindoro congressman at convicted killer Jose Villarosa taliwas sa naunang iniulat na nawawala ito sa New Bilibid Prison (NBP).

Ayon kay Deputy House Speaker Amelita Villarosa, misis ng dating mambabatas, hindi nawawala ang kanyang mister kundi na-confine lamang sa Makati Medical Center (MMC) noon pang Disyembre 27, 2007.

Ayon kay Gng. Villarosa, ang pamamalagi sa ospital ng kanyang mister ay may pahintulot ng Department of Justice (DOJ) at opisyal ng NBP kung saan bantay-sarado ito ng 24-oras sa kanyang kinaroroonang silid.

Sinabi pa ng ginang na ang kanyang mister ay una nilang isinugod sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City noong Disyembre 26, 2007 para idaan sa panibagong eksaminasyon at namalagi lamang ng limang oras sa nabanggit na ospital at isinugod na sa MMC. 

Napag-alaman sa pagsusuri na may lung cancer ang dating kongresista at sumailalim sa major operation nitong Enero 5, 2008. Ang 65-anyos na si Villarosa ay hindi pa umano maaaring makalabas ng naturang ospital habang nagpapagaling pa bunga ng kanyang masamang kondisyon.

Magugunita na si Villarosa ay pinatawan ng hukuman ng life sentence noong 2006 dahil sa pagpaslang sa magkapatid na Michael at Paul Quintos sa Mamburao noong 1997. Ang ama ng mga biktima na si dating Occidental Mindoro Gov. Ricardo Quintos ay mahigpit na katunggali sa politika ni Villarosa.

Inakusahan naman ng matandang Quintos si Villarosa na umaarte lamang o nagsasakit-sakitan tuwing sumasapit ang holiday season para lamang makalabas ng kulungan. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments