Naudlot ang nakatakda sanang paglaya kahapon ni priest killer Norberto Manero matapos pansamantalang harangin ng Department of Justice (DOJ).
Nabatid kay Public Attorneys’ Office (PAO) chief Atty. Percida Acosta na hindi pa na-review o na-kwenta ni DOJ Sec. Raul Gonzalez ang serbisyo at record pati na ang good conduct time allowance ni Manero kaya posibleng mga ilang linggo o buwan pa ang aabutin bago siya makalabas.
Sinabi pa ni Acosta na sinusuri umano ng maayos ng DOJ ang record ni Manero upang hindi na maulit pa ang kahalintulad na insidente gaya ng nangyari kay convicted child rapist at dating Zamboanga del Norte congressman Romeo Jalosjos na lumabas sa piitan hawak ang kuwestiyunableng release order.
Sinabi ni Gonzalez na dahil mali ang pagkwenta sa time credits ni Jalosjos kaya itinama ito at lumalabas na hanggang Abril 2009 pa siya mananatili sa Muntinlupa.
Batay sa record ng korte, si Manero ay unang nasentensiyahan ng 40 years of imprisonment dahil sa pagpaslang kay Italian priest Tulio Favali noong 1985. Binigyan siya ng commutation of sentence ng pamahalaan noong 1998 at ibinaba ito sa 24 years dahil sa ipinakita umano nitong magandang asal o good behavior sa loob ng pambansang piitan.
Sa pahayag naman ni Manero kahapon, sinabi niya na noon pang 2002 dapat siya nakalaya matapos bigyan ng pardon nina dating Pangulong Fidel Ramos at dating Pangulong Joseph Estrada.
Sumama ang loob ni Manero sa pagkabigo na makalaya kahapon dahil hindi na umano siya makatulog sa excitement na makapiling ang mga mahal sa buhay na hinihintay ang pag-uwi niya kahapon.
Bunsod nito, isinugod sa pagamutan ng NBP si Manero matapos makaramdam ng pagkahilo at paninikip ng dibdib bunga ng pagtaas ng presyon nito na umabot sa 180/120 nang makarating sa kanyang kaalaman ang balitang mananatili pa siya ng ilang linggo sa loob ng Bilibid.
Si Manero ay kasama sa pito kataong napatunayang guilty, kabilang ang mga kapatid niya na sina Edilberto at Elpidio, sa karumal-dumal na pagpatay kay Tuvali na ang bangkay ay iniwan sa national highway ng Tulunan at kinain ang utak nito.
Dating miyembro ng nabuwag na paramilitary Integrated Civilian Home Defense Force ang mga Manero at naging miyembro ng kilabot na “Ilaga group”, na nakipaglaban sa mga Moro separatists sa Mindanao noong dekada 70.