Inilagay sa red alert status ng Presidential Security Group (PSG) ang seguridad sa Malacanang complex.
Sinabi ni PSG chief B/Gen. Romeo Prestoza, hinigpitan ang seguridad sa Palasyo matapos mapaulat na may panibagong tangkang destabilisasyon na ilulunsad sa Enero 22 na anibersaryo ng Mendiola massacre.
Ayon kay Gen. Prestoza, normal lamang namang itaas nila ang alert status sa Malacanang matapos mapaulat na may panibagong pagtatangkang destabilisasyon lalo pa’t aalis si Pangulong Arroyo sa susunod na linggo upang dumalo sa World Economic Forum sa Switzerland.
Naghahanda na rin ang Philippine National Police (PNP) sa paglalatag ng mahigpit na seguridad sa Metro Manila kaugnay sa napipintong kilos-protesta ng mga magsasaka sa Enero 22 upang gunitain ang Mendiola massacre. (Rudy Andal)