OFWs mawawalan ng kita kapag bumagsak sa P38-$1
Tila nawawalan na umano ng gana ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na magpadala ng pera sa kanilang pamilya dito sa Pilipinas, dahil na rin sa mababang palitan ng piso.
nabatid na noong October 2007 ay umabot sa P1.4 billion ang pumasok na remittances ng OFWs, subalit bumagsak sa P1.2 billion noong November 2007.
Ang matumal na pasok umano ng remittance ay indikasyon na nababahala na ang mga bagong bayani sa kinahahantungan ng kanilang pinaghirapan.
Batay sa Ibon Foundation na nagsagawa ng pagtaya sa kasalukuyang palitan ng piso kontra dolyar, aabutin ng P3,710 ang mawawalang kita ng mga OFWs kada buwan o P30,000-P45,000 kita sa isang taon kapag bumagsak sa P38 ang bawat dolyar bago matapos ang taong 2008.
Sa kalkulasyon pa ng Ibon, kung ang isang OFW na nagremit ng $100 ngayong Enero ay maipapalit sa P4,891 pero pagdating ng December ito ay babagsak sa P4,174 o may pagbaba na P717.
“Overseas workers were forced to tighten their belts and remit more of their income to make up for the lost value,” ayon kay Sonny Africa, head researcher ng Ibon foundation.
Sinabi din nito na ang mawawalang kita sa mga OFWs ay bukod pa sa epektong mararanasan ng mga ito sa pagtaas ng halaga ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending