Aabot sa 10,000 pulis ang nakatakdang ideploy ng Philippine National Police (PNP) para magbantay kaugnay ng isasagawang malawakang kilos protesta ng mga militanteng grupo sa magkasunod na pagdiriwang ng Edsa Dos at Mendiola massacre sa bansa sa susunod na mga araw.
Sa ginanap na Talakayan sa Isyung Pampulis (TSIP), sinabi ni PNP Directorate for Operations Chief Supt. Silverio Alarcio na may sapat na puwersa ang pulisya upang sumupil sa anumang mga kaguluhan kung saan paiiralin nila ang maximum tolerance kontra sa mga raliyista.
Nauna nang nagbanta ang mga militanteng grupo na sasalubungin ng malawakang kilos protesta ang magkasunod na anibersaryo ng Edsa 2 na ginugunita tuwing Enero 20 at ang Mendiola massacre sa Enero 22.
Sinabi ni Alarcio na hindi sila mangingiming ipatupad ang pag-aresto sa mga raliyista na magiging bayolente at sa mga tamang lugar lamang ang mga ito maaring mag-rally.
Kaugnay nito, apat na lugar naman ang mahigpit na tinututukan ng PNP kaugnay ng inaasahang mga kilos protesta na kinabibilangan ng Chino Roces Bridge sa Mendiola, Edsa shrine, Welcome Rotonda, Commonwealth Avenue at ang Ayala Avenue. Ang nasabing mga lugar ay siya umanong point of assembly ng mga raliyista.
Pinayuhan naman kahapon ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang mga aktibistang grupo na kumuha muna ng permit bago magsagawa ng mga kilos protesta sa makasaysayang tulay ng Mendiola.
Ayon kay Lim, papayagan naman nila na makapagdaos ng isang mapayapang programa ang mga raliyista sa nasabing lugar sa Enero 22, na ika-21 taong anibersaryo ng masaker basta’t may permit lamang ang mga ito.
Hindi rin naman umano bibigyan ng time limit ng alkalde ang grupo ngunit kinakailangang maging mapayapa ang gagawing pagtitipon ng mga ito.
Ang pagkuha ng permit ng mga rally organizers ay para rin naman aniya sa kapakanan ng mga ito upang mabigyan ng panahon ang city government na makapaghanda para sa seguridad ng mga lalahok sa rally at gayundin sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko sa lugar.
Nagpahayag rin ng paniniwala ang alkalde na karapatan ng mga ito na magpahayag ng kanilang saloobin sa ilalim ng Saligang Batas.
Matatandaang noong Enero 22, 1987 ay pinagbabaril at napatay ng mga sundalo at mga pulis ang mga nagpu-protestang mga magsasaka sa Mendiola na ikinamatay ng 13 sa kanila.