Win-win solution alok sa Sumilao farmers
Nakakita ng “win-win solution” ang pamunuan ng San Miguel Food Inc. (SMFI) hinggil sa matagal nang ipinaglalabang lupa ng mga magsasaka sa Sumilao Bukidnon.
Ayon kay Agrarian Reform Secretary Nasser Pangandaman, sinabi umano ni SMFI president Ramon Ang kay Pang. Arroyo na mayroon silang “win-win solution” sa problema ng Sumilao farmers, kaya’t kaagad na nag-ayos ng isang dayalogo sa telepono ang pangulo sa pagitan nina CBCP Pres. at Jaro, Iloilo Angel Lagdameo at Malaybalay, Bukidnon Bishop Honesto Pacana ng oras ding iyon.
Napag-alaman na bumibili ng 144 hektarya ng lupa ang SMFI na kalapit lamang ng lupain na inookupa ng kanilang kompanya at iniaalok ito sa Sumilao farmers kapalit ng lupain na ipinaglalaban ng mga magsasaka.
Maliban pa dito, sinabi ng SMFI na sasanayin at ipapasok nila ng trabaho ang may 500 magsasaka sa Sumilao upang magtrabaho sa lugar na kasalukuyang okupado na ng San Miguel.
Wala pa namang tugon ang Sumilao farmers kung sasang-ayunan nila o hindi ang alok ng higanteng food and beverage company.
Nang tanungin si Pangandaman kung sa tingin ba niya ay “win-win solution” nga ang alok ng SMFI sa Sumilao farmers, sinabi ng kalihim, para sa kaniya, ang pinakamagandang solusyon ay kung magkakasundo ang dalawang partido sa mapayapang paraan at bawat isa ay magiging masaya.
- Latest
- Trending