Maaari umanong “nagpapa-cute” lamang sa kanyang mga tagasuporta si dating pangulong Joseph Estrada nang sabihin nitong pipiliin niya ang kanyang sarili upang maging kandidato ng oposisyon sa darating na 2010 presidential elections.
Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, desisyon ni Erap na piliin ang kanyang sarili na maging kandidato ng oposisyon sa 2010 dahil sa paniniwala nitong walang winnable sa hanay ng oposisyon.
Sinabi ni Sec. Ermita, malinaw ang nakasaad sa ating Saligang Batas na hindi maaaring tumakbo ng reelection ang isang nahalal ng pangulo ng bansa.
“Hindi naman puwedeng tumakbo si Erap, pero pabayaan na lang natin ang kanyang diskarte. Siguro gusto lang niyang ibalik ang lakas niya sa masa,” sabi ni Ermita.
Aniya, kahit nakasaad sa ibinigay na pardon ni Pangulong Arroyo na muling mababawi ni Erap ang kanyang karapatang bumoto ay malinaw naman sa Konstitusyon na hindi puwede ang reelection ng nahalal nang pangulo.
Naniniwala si Estrada na puwede pa siyang kaumandidato muling pangulo dahil hindi naman daw niya natapos ang kanyang 6-taong termino.
Samantala, sinabi naman ni San Juan Mayor JV Ejercito na hindi nila isinasantabi ang muling pagtakbo ng kanyang ama bilang pangulo sa darating na 2010 elections.
Ayon kay Mayor Ejercito, ayaw na kasing mangyaring muli ni Erap ang hindi pagkakaisa ng oposisyon noong 2004 elections.
“President Estrada wants a single opposition candidate in the coming 2010 presidential elections. May father (Erap) will run if the opposition fails to agree on a standard-bearer,” dagdag pa ni Ejercito.