^

Bansa

15 kinasuhan sa G-2 blast, Ayala pumalag

- Nina Joy Cantos at Rose Tamayo-Tesoro -

“Magpaliwanag na lang kayo sa Korte at iharap ang inyong mga ebidensya.”

Ito ang tahasang sinabi ni Philippine National Police Director Gen. Avelino Razon matapos ilabas ang pinal na resulta ng imbesti­gasyon sa Glorietta-2 blast noong Okt.19 ng nakara­ang  taon na nagsasabing aksidente ang naturang pagsabog.

Ito’y sa harap ng pag­gigiit ng ALI na may forensic evidence silang mag­papatunay na hindi aksi­dente kundi sadyang bi­nomba ang Glorietta 2 na iki­ nasawi ng 11-katao at iki­nasugat ng marami pang iba.

Sa report ng PNP, kina­suhan ang labinglima katao ng criminal  at administrative negligence na ang ka­ra­mihan ay mga kontratis­tang itinalaga ng ALI para mangasiwa sa mall. Nanin­digan ang PNP sa na­unang findings na ang pagsabog ay sanhi ng naghalong methane at diesel. Inabsuwelto naman nito ang mga opisyal ng ALI sa pangunguna ni Jaime Ayala.

Sa isang statement, sinabi ng ALI na itutuloy nito ang imbestigasyon at ihaharap ang makakalap na forensic evidence sa tamang forum upang patu­nayang hindi ito nagpa­baya sa pangangasiwa ng mall.

Ayala Land has always adhered to strong core values of corporate responsibility and integrity. We believe that we have always done what is right for our customers and our business partners,” anang ALI sa ipinalabas na press statement.  Inihayag ng ALI na handa itong humarap sa Korte na siyang pinal na magdedesisyon kung may­roon nga o walang kapaba­yaan sa administrasyon ng Glorietta-2.

Ayon kay Razon  kung may maipapakitang ebi­den­siya ang  ALI na susu­porta sa alegasyon na isang malakas na uri ng bomba ang sumabog sa Glorietta 2 mall  ay tatang­gapin ito ng PNP. Sa te­orya ng PNP, sinasabi namang sumingaw na methane gas na humalo sa diesel fuel sanhi ng kapabayaan ang nangyaring insidente.

Sinabi pa ni Razon  ang pulisya at ang binuo niyang  Multi-Agency Investigating  Task Force (MAITF) na nag­sagawa ng pagsisiya­sat  ang higit na may kredi­bilidad na magsalita at mag­sabing  kung ano ang sanhi ng pagsabog dahil sa pinanghahawakang ebi­den­siya na nakuha sa isi­na­gawang imbestigas­yon sa blast site.

Ipinaliwanag pa ni Mamang Pulis ang ebi­densiya na siya nilang  pinagbasehan ng resulta sa tunay na pangyayari  sa pagsabog na siya rin nilang ihaharap sa husgado sa pag­sasampa ng kaso laban sa lahat ng mga res­ponsable.

Kabilang sa mga sa­sam­pahan  ng kasong reckless imprudence/negligence ( gross negligence) resulting to multiple homicide, physical injuries at damage to properties sina Engineer Candelario Val­dueza, Project Engineer ng Makati Supermarket Corp (MSC) ng G2 mall; Engineer  Marcelo Bote­nes, Building Engineer ng MSC, G2; Engineer Jowell Vel­vez, Building Administrator ng MSC, G2; Engr. Arnel Gonzales, Bldg. Manager ng MSc-G2; Engineer Clifford Arriola, Operation Manager ng Marchem Industrial Sales and Services Inc.; Joselito Buenaven­tura, Supervisor, Mar­chem; Chairlie Nepomuceno, Marchem Maintenance Personnel; Jonathan Ibu­na, Marchem, Maintenance Personnel at Juan Ricafort, Marchem Maintenance Personnel.

Kabilang naman sa ipaghaharap ng kasong  paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019 ) at kasong administrative for gross negligence of duty ay sina Senior Fire Officer (SFO4)  Anthony Grey, Fire Safety Inspector;  SFO2 Leonilo Balais, Fire Safety Inspector  at Sr. Inspector Reynaldo Enoc, Fire Prevention Officer ; pawang ng Makati City Fire Station.

Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno na bagaman hindi kabilang sa kanilang ipag­haharap ng kaso ngayong araw sa Department of Jus­tice (DOJ) ang negos­yanteng si Jaime Ayala, may-ari ng Ayala Land Inc. ay hindi pa ito lusot sa kaso.

“He is not yet off the hook, if evidence and information showns up, cases will be filed, some additional personalities including him ( Mr. Ayala ) will be charged in court “, ani Puno sa media­men.

FIRE SAFETY INSPECTOR

GLORIETTA

JAIME AYALA

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with