Hinamon kahapon ni Sen. Joker Arroyo ang mga nais tumakbong pangulo sa 2010 na magpakita ng paninindigan kaugnay sa balak na pagtapyas ng taripa ng mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Arroyo na dapat na ilantad ng mga presidentiables ang kanilang posisyon hinggil dito sa gitna na rin ng pagbawas ng 1% taripa ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa pamamagitan umano ng mga presidentiables malalaman ng taumbayan ng kanilang posisyon at kung karapat-dapat silang mamuno sa ating bansa.
Pursigido naman ang pamunuan ng Senate Ways and Means Committee na ituloy na ang public hearing sa panukalang tanggalin na ang 12% ng Expanded Value Added Tax (EVAT) sa mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Sen.Francis Escudero, chairman ng nabanggit na komite magkakaroon na sila ng public hearing sa susunod na linggo hinggil sa panukala ni Sen. Mar Roxas na tanggalin na ang 12% EVAT nito.
Nauna nang minaliit ni Escudero ang pagbasura ng Department of Finance sa panukala ni Roxas at ayon sa kanya sa mga senador at kongresista nakasalalay ang anumang pag-amyenda nito.
Naniniwala si Escudero na susuportahan ng sambayanan ang panukala ni Roxas at kailangan lamang na maging maayos ang daloy nito sa dalawang kapulungan. (Malou Escudero)