Kinumpirma ng Sandiganbayan na mayroon na silang hawak na ebidensiya na nagpapatunay ng Jose Velarde Account.
Ito ay makaraang makatanggap ang Sheriff’s Office ng Sandiganbayan ng report mula sa Banco de Oro na kumukumpirma ng official information hinggil sa nailagak na salapi sa naturang account.
Batay sa report ng Banco de Oro, ang isang account sa ilalim ng Velarde Account ay may halagang P500 Milyon na promissory note at ang isa pang account na may halagang P300 Milyon shares sa Wellex, P450 Milyon shares sa Waterfront Philippines, P95,759,000 common trust fund investment.
Kaugnay nito, sinabi ni Sandiganbayan Sheriff Ed Urieta na mayroon silang pakikipag-usap sa mga opisyal ng Banco de Oro para malaman ang mga impormasyon kung alin sa mga account na ito ang maaaring maisailalim sa auction para maging pera at mabawi ang hinihinging P189,700,000 upang maibalik na sa gobyerno.
Una rito, sinabi ni Urieta na noon pang nakaraang December 2007 nila nakuha ang impormasyon hinggil dito pero kahapon lamang natanggap ang kumpirmasyon ng banko. (Angie dela Cruz)