Nanalo ng P125,000 si Batangas Vice Governor Marc Leviste mula sa top-rated prime time game show na “Deal or No Deal.” Ang buong premyo ay ibinigay niya sa Bantay Bata at World Vision, mga organisasyon na tumutulong sa mga bata.
Ang Bantay Bata ay proyekto ng ABS-CBN Foundation na tumutulong at kumukupkop sa mga batang may sakit at biktima ng pang-aabuso. Ang World Vision naman ay isang international na organisasyon na sumusuporta sa edukasyon at pangkabuhayan ng mga bata sa tulong ng mga pribadong donasyon
Ito ang pangalawang pagkakataon na naglaro si VG Leviste sa Deal or No Deal. Nang una siyang naglaro noong October 2006 ay nanalo lamang siya ng P1.
Inimbitahan ulit ng producers ng game show ang mga nanalo lamang ng P1 upang bigyan silang ng pagkakataon na manalo ng mas malaking premyo.
Bago magdesisyon si Leviste na mag-deal, hinamon pa ni Kris Aquino ang batang pulitiko na lumaban dahil ang mga Batangueño ay kilalang mga barako. Ipinaliwanag ni Leviste na barako man ang mga Batangueño ay hindi naman sila swapang at marunong tumanggap ng pagkatalo.