2 deboto patay!
Nabahiran ng dugo ang dapat sana’y payapang pagdiriwang ng ika-401 taong pista ng Nazareno matapos dalawang deboto nito ang namatay at 44 iba pa ang nasugatan ng mauwi sa stampede ang prusisyon kahapon sa Quiapo, Maynila.
Dead-on-arrival sa Philippine General Hospital si Cecilia Fajardo, 54, residente ng No. 3062 Interior 31, Bacood, Sta. Mesa matapos na atakihin umano sa puso.
Ang isa pang biktima na kinilalang si Alex Radovan, 44, ng 1881 Vicente Cruz st., Sampaloc, Maynila ay namatay matapos maipit at matapakan ng mga nagkakagulong deboto.
Hindi naman mabilang ang mga hinimatay sa prusisyon dahil sa matinding pagsisiksikan ng mga deboto para lamang makalapit ang mga ito sa itim na Nazareno.
Isang siyam na buwang gulang na sanggol naman ang naiulat na isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) matapos na masugatan at maipit kasama ang kanyang ina.
Bandang alas-2 ng hapon kahapon nang ilabas sa simbahan ng Quiapo ang Black Nazarene. Gayunman, nabigong makontrol ng mga escort na pulis ang nagkagulong mga deboto na nagtangkang hilahin ng lubid at hawakan ang karo ng Itim na Nazareno dahilan para hindi ito mailibot sa mga lugar na nakatakda sanang daanan nito.
Mula sa simbahan ng Quiapo, ang Nazareno ay nakatakda sanang iikot sa mga kalye ng Villalobos, P. Gomez; Paterno; Quezon blvd.; Globo de Oro; Guano; Arlegui; Fraternal; Vergara; Duque de Alba; Castillejos; Hornesio; Nepumuceno; Aguila; Carcer; Hidalgo at Barbosa.
Tinatayang nasa 80,000-100,000 deboto na pawang nakayapak ang nagpunta sa Quiapo para sa pinakamahalagang religious event sa Simbahang Katoliko sa Pilipinas.
Ayon naman sa city government, ang lahat ng paghahanda ay kanilang ginawa at ang mga tao na mismo ang siyang walang disiplina sa pagnanais na ring makahawak sa imahe.
Maging si MPD Station 3 Commander Supt. Romulo Sapitula ay hindi sinanto ng mga deboto. Nabatid na sinisigawan lamang umano ng mga deboto si Sapitula sa tuwing magbibigay ito ng instruction sa mga taong naghihintay ng paglabas ng Nazareno.
Ilang saglit pa ay tila napikon umano si Sapitula kaya’t ibinigay na lamang ang mega phone na hawak nito sa pari.
Ngunit maging ang pari na nananawagan para mabigyan ng daan ang paglabas ng Black Nazarene ay dinedma din ng mga deboto.
Ilang unibersidad naman sa Maynila ang tuluyan ng nagkansela ng kanilang klase bunsod ng nasabing pagdiriwang.
Pasado alas-8 kagabi nang makabalik sa loob ng simbahan ang imahe.
- Latest
- Trending