Nag-ala Robinhood upang makakuha ng suporta at proteksyon sa mga residente si Indonesian at Jemaah Islamiyah (JI) terrorist Dulmatin matapos itong mamudmod ng dolyar sa mga residente ng Tawi-Tawi.
Ito ang kinumpirma ni AFP-Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Nelson Allaga sa isang panayam kaugnay ng patuloy na manhunt operations ng tropa ng militar upang mabitag si Dulmatin.
“ We received an intelligence reports that Dulmatin done a Robinhood style by giving dollars, sharing his loot to gain sympathy and support to the poor residents in the area,” ani Allaga.
Paniwala ng opisyal, namumudmod ng dolyar si Dulmatin upang huwag itong ituro ng mga residente laban sa tumutugis na tropa ng mga sundalo.
Si Dulmatin, mastermind sa Bali bombing sa Indonesia na kumitil ng buhay ng 200 katao noong Oktubre 12, 2002 ay nagtago sa Pilipinas at kinakanlong ng mga bandidong Abu Sayyaf partikular na sa Sulu.
Sinasabing maliban sa pagpapalipat-lipat ng taguan mula sa Sulu ay nagawa ring makapagpabalik-balik at makabiyahe ni Dulmatin patungo sa Malaysia. (Joy Cantos)