Iniutos kahapon ni Pangulong Arroyo na ibaba ang taripa sa langis at mga produktong petrolyo bilang tugon ng pamahalaan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Sinabi ni Pangulong Arroyo, isang executive order ang ilalabas sa araw na ito upang ibaba ang taripa sa langis ng 1 porsyento.
“Ibababa natin ang taripa sa langis at mga produktong petrolyo. Hihilingin natin sa mga kumpanya ng langis na gamitin ang bawas upang ibaba ang presyo ng diesel,” paliwanag pa ni PGMA.
Wika pa ni Mrs. Arroyo sa kanyang media briefing sa Palasyo, hihilingin naman ng gobyerno sa mga oil companies na ibaba nila ang presyo ng diesel bilang tugon sa ibinabang taripa.
Idinagdag pa ng Pangulo, mas minabuti ng gobyerno na ibaba ang babayarang taripa para sa langis at mga produktong petrolyo kaysa magkaroon ng “spiral effect” ang pagtaas ng presyo ng langis sa presyo ng bilihin at iba pang pangangailangan ng mamamayan.
Ipinaliwanag naman ni Finance Secretary Margarito Teves, tinataya nilang aabot sa P11 bil yon ang magiging windfall ng gobyerno dahil sa pagbabawas ng tariff sa langis at produktong petrolyo at ibinalik nila ito sa mga oil companies.
Aabot sa 23 centavos ang mababawas sa babayarang taripa para sa langis at aabot naman sa 50 centavos ang mababawas sa babayarang tariff sa diesel.
Subalit sa sandaling bumalik sa dating presyo ang langis at produktong petrolyo sa pinaka-mababa nitong presyo ay ibabalik muli sa 3 percent ang sisingiling taripa dito.