Ibon mula South Korea ipinagbawal sa Pinas

Muling ipinagbawal pansamantala ng Department of Agriculture ang importasyon o pagbili ng mga ibon at ibang  poultry products mula sa  South Korea.

Ginawa ni Agriculture Secretary Arthur Yap ang kautusan makaraang mapaulat ang pagbabalik ng sakit na avian influenza o bird flu virus sa naturang bansa.

Nakarating ang ulat kay Yap na ang ban ay base sa November 26, 2007 report na isinumite ni Dr. Chang-Seob Kim, director ng Korea’s Animal Health Division sa Animal Health Organization hinggil sa outbreak ng low pathogenic AI ng serotype H7N3 sa isang duck-raising farm sa Yongdoo-dong,  Kwangju-Jikhalsi.

Sinabi ni Yap na ang “ban” ay sumasakop sa lahat ng “domestic at wild birds at kanilang mga produkto tulad ng day-old chicks, itlog at semen.

Kasabay nito,inutusan ni Yap ang agarang pag suspinde sa pag-iisyu ng Veterinary Quarantine Clearances sa lahat ng imports na sumasakop sa naturang mga produkto mula sa Korea. (Angie dela Cruz)

Show comments