Engineering board exam: Retake ipinahaharang

Hiniling kahapon sa Court of Appeals ng mga examinees sa nakalipas na Engineering Board Examinations na harangin sa pa­mamagitan ng temporary restraining order ang ‘retake’ na itinakda ng Professional Regulations Commission para sa natu­rang pagsusulit.

Sa inihaing petition for certiorari, mandamus and prohibition sa CA ng 13 civil engineering graduates,  sa pamamagitan ni Atty. David Erro, nais nila na saklolo­han sila ng CA upang hindi na muli pang sumalang sa board exam sa Enero 12, 2008 ka­ugnay sa naging pagsu­sulit noong Nobyem­bre 17 at 18, 2007.

Nais ng mga petisyu­ner na sa halip na re-examination ay magtakda na ang PRC ng petsa ng panu­num­­pa ng mga na­kapasa sa board exams.

Una nang nabunyag ang umano’y anomalya sa ginanap na civil engineering board examinations  mata­pos mahuli ang dala­wang examinee mula sa Cagayan de Oro examination center na may kodigo sa cellphone.

Naging mas matibay pa ang alegasyon nang ma­kita na maraming examinees ang nakapag­tala ng perfect score sa mga kinukwes­ tyong subjects.

Sa panig naman ng mga examinees, iginiit nila na hindi imposibleng ma­sagot nila ng tama ang mga katanungan sa exams sa da­lawang subject dahil sadyang madali ang mga ito. (Ludy Bermudo)

Show comments