Pinangangambahang tataas pa ang bilang ng kaso ng impeksyon sa mga Filipino Overseas Workers na malimit gumamit o uminom ng antibiotics, batay sa isinagawang pag-aaral ng isang unibersidad.
Nabatid sa ulat at sa pagsusuri ng nasabing unibersidad na mahigit kalahati sa 64 non-Chinese cases ng Methicillin-resistant Staphylococus Aureus infections sa komunidad sa Hong Kong noong nakalipas na taon ay pawang mga Filipino domestic helpers.
Sinabi ng Khaleej Times na ang MRSA ay isang bacterial infection na nakukuha sa ilang mga malalakas na antibiotics na partikular na ginagamit upang agad na gumaling ang isang sugat kung saan nagiging sanhi naman ng komplikasyon tulad ng pneumonia at pagkalason ng dugo.
Ayon naman kay Ho Pak-leung, professor ng Microbiology ng University of Hong Kong, ang high infection rate sa mga Pilipino ay bunga naman ng mataas na paggamit ng antibiotics.
Lumitaw sa report na may 155 kasong naitala, 91 buhat sa mga lokal na Intsik habang 33 namang mga Pilipino, limang Amerikano at Indians at dalawa buhat naman sa Nepal, Australia, Denmark, at England.
Nabatid na may 120,000 Pinoy workers pa ang nasa dating British colony ng Hong Kong, kung saan karamihan sa mga ito ay nagtatrabaho bilang domestic helpers sa lungsod. (Rose Tamayo-Tesoro)