Mistulang nasaklo lohan ng Court of Appeals (CA) ang mga pulis at sundalong kabilang sa isa sa pinakamalaking savings at loan association sa Pilipinas matapos pigilan nito ang “tug of war” na nagaganap sa pagitan ng dalawang grupo na nais pamunuan ang nasabing samahan.
Ito’y nang mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) ang CA na humarang sa reinstatement ng grupo ni retired Police Col. Luvin Manay para siyang bumuo ng board of trustees ng Air Material Wing Savings and Loan Association Inc. (AMWSLAI).
Ang AMWSLAI ay sinasabing pangalawa sa pinakamalaking savings association na binubuo ng 230,000 miyembro na pawang aktibo at retiradong opisyal ng AFP at PNP.
Ayon sa mga miyembro na kumakatawan sa AMWSLAI Retirees Association, nararapat lamang na tuluyan nang harangin na makaupo ang kampo ni Manay at nakahanda silang ilaban sa korte ang merito ng kanilang kaso.
Iginiit pa ng mga ito na nakabuti ang TRO na inilabas ng CA dahil napahupa nito ang kalituhang namamayani sa mga miyembro at maging sa operasyon ng kanilang asosasyon.
Sa nabanggit na ruling ng CA sa panulat ni Justice Lucas Bersamin ay naharang ang naunang kautusan ni Pasay City Judge Jesus Mupas sa pagpapatupad ng resolusyon na nagpapahintulot sa grupo ni Manay para ma upo sa board ng samahan.
Iginiit naman ng mga petitioner na kung ma tutuloy ang reinstatement ay masasagasaan ang kanilang karapatan para sa due process.
Sa kasalukuyan ay nakaupong board of trustees sina Ricardo L. Nolasco, Jr., chairman at pangulo; Thaddeus P. Estalilla, vice chairman; Cedric V. Reyes, secretary at trustee; Domingo E. Dimapilis, Jr., treasurer at trustee; Odelon C. Mendoza; auditor at trustee habang ang iba pang miyembro ay sina Antonio S. Gumba, Ismael A. Abad, Rolando S. Cacabelos, Cesar S. Toledanes, Morado O. Mercado, at Ricardo P. Perido. (Ludy Bermudo)