Upang mas epektibong malabanan ang kriminalidad, nais magpalakas ngayong taon ng Philippine National Police (PNP) sa pagdaragdag ng teknolohiya at gamit katulad ng pagbili ng tatlong helicopter na epektibong gagamitin sa paghahabol sa mga kriminal na mabilis na nakakatakas sa kabila ng mga checkpoints.
Bukod dito, sinabi ni PNP spokesman Sr. Supt. Nicanor Bartolome na nasa “shopping list” rin ni PNP Director General Avelino Razon Jr. ang dagdag na 211 patrol cars, 526 na utility vehicles, 295 motorsiklo, 1,000 shotguns, 10,000 handguns at mga espesyal na mga equipment sa paglaban sa kriminalidad tulad ng mga mas mauunlad na bansa.
Bukod dito, hihingi rin ang PNP kay Pangulong Arroyo ng dagdag na pondo para sa pagbili pa ng 220 sasakyan, 34 “troop carriers” at 50 pang motorsiklo na ipapakalat sa mga units sa buong bansa.
Upang hindi naman tuluyang masira ang mga sasakyan, plano ring itaas ng PNP ang pondo para sa “maintenance” ng naturang mga equipment upang hindi mapabayaan kapag nasisira na.
Ipinag-utos rin ni Razon sa kanyang 12 regional directors na magtayo ng “Women and Children’s Desk” sa lahat ng istasyon ng pulisya na hahawakan ng mga epektibong policewoman. Ambisyon rin ng PNP na maitaas ang teknolohiya sa lahat ng istasyon sa planong malagyan ng computer at internet connection.
Ipinagmalaki naman ni Bartolome ang pagkakaroon na ng PNP ng human rights school para isailalim sa pag-aaral sa karapatang pantao ang lahat ng tauhan ng pulisya kasama na ang mga ire-recruit pa lamang. Nais umano ni Razon na “well versed” sa karapatang-pantao ang lahat ng pulis sa pagtatapos ng kanilang training dito.
Iniulat rin ng PNP ang pagbaba ng 5.46% ang nagaganap na krimen sa bansa. Mula sa 71,227 krimeng naitala noong 2006, nakapagtala lamang umano ang taong 2007 ng 67,333 krimen. Ito ay dahil umano sa partisipasyon ngayon ng publiko sa paglaban kontra sa krimen.