Nagbabala ang militanteng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) ng panibagong kilos-protesta nila kasama ang iba pang transport groups sa oras na muling magtaas ang mga kumpanya ng langis sa presyo ng kanilang produkto ngayong taon.
Ito’y matapos na umakyat na sa US$100 ang presyo ng bawat bariles ng krudo sa internasyunal na merkado.
Sinabi ni Piston secretary general George San Mateo na ang dahilan ng pag-akyat ng halaga ng krudo ay dahil lamang sa espekulasyon at hindi talaga sa kakulangan ng suplay nito sa kasalukuyan.
Inaasahan na ng Piston na magsasagawa na naman umano ng linggo-linggong pagtataas sa halaga ng langis ang mga kumpanya ng langis.
Ipinaliwanag ni San Mateo na ang New York Mercantile Index Price ay ginawa lamang ang pagtaas sa espekulasyon sa takbo ng merkado upang magamit sa monopolya ng presyo ngunit hindi naman umano ito ginagamit sa Pilipinas.
Iginiit nito na ang Dubai crude oil ay nasa $83 kada bariles at ang diesel ay nasa $105 pa ang halaga habang patuloy naman ang pagtaas ng halaga ng piso laban sa dolyar kaya walang dahilan ang mga kumpanya ng langis na magtaas ng presyo. (Danilo Garcia)