Jalosjos inatake, naospital sa Bilibid
Wala pang isang araw mula ng ipasok sa maximum security compound ng National Bilibid Prisons (NBP) ay sa pagamutan naman dinala si convicted child rapist Romeo Jalosjos matapos umanong tumaas ang blood pressure nito at manikip ang dibdib.
Inoobserbahan ngayon ang kondisyon ni Jalosjos na dumating sa Bilibid nitong Biyernes ng gabi mula sa Zamboanga penal colony alinsunod sa utos ni Justice Secretary Raul Gonzalez na muling arestuhin ito at ibalik sa NBP matapos ibasura ng korte ang habeas corpus ng dating mambabatas.
Samantala, handa umanong harapin ni Gonzalez at ng kanyang tanggapan ang kasong isasampa sa kanila ng kampo ni Jalosjos.
Nabatid sa abogado ni Jalosjos na si Atty. Alfredo Jimenez na kukuha ng mga abogado dito sa Maynila ang dating kongresista upang siyang humawak ng kaso nito.
Kakasuhan daw ni Jalosjos si Gonzalez dahil sa utos ng huli na arestuhin ang una at ibalik sa NBP matapos itong lumabas ng walang permiso noong Disyembre 22 at magtungo sa Zamboanga.
Pag-uusapan na ng DOJ, mga abogado ng gobyerno at ng BuCor kung maaring bumalik bilang minimum security inmate si Jalosjos sa Lunes.(Gemma Amargo-Garcia/Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending