Pinaulanan ng bala ng mga hinihinalang New People’s Army (NPA) ang convoy ni Sen. Edgardo Angara kahapon sa Dinalungan, Aurora.
“Senator Angara was safe, advance party from the Army forces na nagse-secure dun sa route yung pinaulanan ng bala ng mga rebelde,” pahayag ni AFP-Northern Luzon Command Chief Lt. Gen. Rodrigo Maclang sa isang phone interview.
Naganap ang insidente sa bisinidad ng Brgy. Nipoo, Dinalungan bandang ala-una ng hapon. Habang nagsasagawa ng route security sa daraanan ng convoy ni Angara ay pinaulanan ng bala ng hindi pa mabilang na armadong mga rebelde ang tropa nito.
Mabilis namang gumanti ng putok ang mga sundalo hanggang sa tuluyang maitaboy ang umatakeng mga rebelde. Sinabi ng opisyal na ang nasugatang sundalo ay driver ng isang Army truck na nabasag ang windshield matapos paulanan ng bala ng mga rebelde ang route security ng senador.
Nagtungo sa lugar si Angara para maglunsad ng mga proyektong pang-agrikultura na binansagang Center for Coconut Production and Research sa kaniyang mga kababayan ng maganap ang pag-atake.
Sa naunang interview kay Sen. Angara ay sinabi nitong wala nang peligro sa kanyang buhay matapos ang sinasabing tangkang pananambang subalit bandang alas-3 ng hapon ng muling ma-interview ang senador ay mabilis na itinanggi nito ang pangyayari.
“That’s complete lie. Kalokohan yan. Walang ambush na nangyari,” wika naman ni Angara sa panayam ng Pilipino Star Ngayon.
Ayon naman kay Aurora police director Sr. Supt. Romeo Teope, mga NPA ang nasa likod ng pananambang.
Bunga ng insidente, sinabi ni Maclang na inabisuhan ng Commanding Officer ng 69th IB si Angara na huwag ng tumuloy sanhi ng nangyaring bak bakan sa lugar. Iniutos naman agad ni Central Luzon police director Errol Pan na bigyan ng karagdang seguridad si Angara.
Sa naunang interview pa rin kay Angara, sinabi nitong wala siyang alam na pupuwedeng suspek at ito umano ang unang pagtatangka sa kanyang buhay.
“But whoever did this, ginagalit lamang nila ang taumbayan,” paliwanag pa ni Angara.
Pinaniniwalaan namang may mga nasuga tan rin sa panig ng umatakeng mga rebelde.
Naglunsad na ng hot pursuit operations ang militar laban sa mga rebel de.