Itinodo na kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapakalat ng poster ng puganteng si Marine Capt. Nicanor Faeldon at siyam na iba pang sundalong nakatakas matapos ang siege sa Manila Peninsula Hotel sa Makati City na pinamunuan ni Sen. Antonio Trillanes noong Nobyembre 29, 2007.
Ang nasabing hakbang ay upang mapabilis ang pagdakip kay Faeldon na may patong sa ulong P1-M at sa iba pang enlisted personnels ng AFP na nasangkot sa bigong destabilisasyon.
Nauna nang nagpakalat ang PNP ng posters ni Faeldon at ilan pa sa mga nakatakas na EPs sa ilang piling lugar sa Metro Manila at mga karatig lalawigan, pero kahapon ay umaabot na ito sa 10 at itinodo ang pagpapakalat sa buong bahagi ng bansa.
Si Faeldon ay una nang nakatakas sa kustodya ng militar noong Disyembre 14, 2005 at nasakote makalipas ang mahigit sa isang buwan.
Maliban kay Faeldon, kabilang pa sa sentro ng manhunt operation sina Marine Cpl. Jerson DL. Alabata ng Canelar, Zamboanga City; Marine Private First Class Josil B. Regulacion ng Talusan, Zamboanga Sibugay; Marine Pfc. Abraham Apostol ng Cepeda St., Tuguegarao City; ex-Seaman First Class Gerardo Dedicatura ng Phil. Navy; Marine Pfc. Jojo Abando; Marine Pfc. Hardy A. Glaraga; MPfc Jojit C. Soriano; Marine Pfc. Monchito O. Lusterio at ex-Master Sgt. Elmer Colon ng Maa, Davao City na naiwan pa ang ginamit na wig sa Manila Peninsula sa kanyang pagtakas. (Joy Cantos)