Ipapatupad ngayon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang programang “Bail Now, Work Pay Later” na programa na layong abonohan ng pamahalaan ang pampiyansa ng mga bilanggong sangkot sa “non-henious crimes” at bigyan ng trabaho upang makabayad kinalaunan.
Ayon kay Sr. Insp. Bartolome Sagadal, hepe ng Inmates Welfare and Development Branch ng BJMP, na layon ng programa na mapaluwag rin ang mala-sardinas na kundisyon ng mga kulungan sa buong bansa at mabigyan ng pag-asa ang mga bilanggo na magbagong-buhay.
Nabatid na ang mga preso na kabilang sa C-Visa category na kinabibilangan ng mga menor-de-edad, walang dumadalaw, mahihirap, may sakit at mga matatanda na ang mga kuwalipikado sa naturang programa.
Ang mga presong ito na nais makalaya at handa namang magkaroon ng hanapbuhay ay maaaring bigyang pagkakataon ng “local government units, non-government organizations, religious organizations at ibang institusyon” sa pakikipagkoordinasyon ng BJMP.
Kabilang na sa naghihintay na trabaho sa mga preso ang pagiging kamineros o “streetsweeper” ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Kakaltasin naman ang kalahati o ikaapat na bahagi ng kanilang suweldo upang mabayaran ang kanilang piyansa.
Sinabi ni Insp. Michelle Bonto-Ng, tagapagsalita ng BJMP, na layon rin ng programa na tuluyang hindi mapariwara o mahawa ang mga preso na may magaang kaso lamang sa mga kilabot na criminal na makakasama nila sa selda na maaaring tuluyang maglugmok sa kanila sa kriminalidad.
Sakaling maaprobahan ang isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng MMDA at ng BJMP para dito, makikinabang ang libong preso na makalabas ng kulungan at mabigyan don ng trabaho.
Base sa istatistika ng BJMP, tinatayang 11,563 inmates ang kwalipikado sa bail now pay later program. (Danilo Garcia)