“Kahit na hindi taga-Maynila, tanggapin ang mga biktima ng paputok!”
Ito naman ang naging kautusan ni Manila Mayor Alfredo Lim sa mga ospital sa Maynila bunsod na rin ng posibleng pagdagsa ng mga magiging biktima ng paputok habang sinasalubong ang Bagong Taon.
Ayon kay Lim, nagpalabas siya ng mga direktiba sa mga ospital sa ilalim ng city government na asikasuhin ang mga biktima ng paputok dahil buhay na ng isang tao ang nakasalalay dito.
“Pakiusap ko lang sa mga kalungsod natin na iwasan na lang sana ang paggamit ng mga delikadong paputok para iwas disgrasya,” ani Lim.
Nanawagan din si Lim sa publiko na iwasan ang pagsusunog ng gulong upang hindi naman maka-pollute pa ng hangin at maiwasan ang anumang respiratory problems.
Sinabi naman ni Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) Director Dr. Fidel Chua na ang kanyang mga hospital staff members ay pawang mga nakaalerto at magtatrabaho ng double time hanggang New Years eve. (Doris Franche)