BFP naka-heightened alert na!

Nasa “heightened alert” ngayon ang Bureau of Fire Protection (BFP) upang maging handa sa posibilidad ng pagsiklab ng sunog kaugnay ng hindi mapigilang pagpapaputok ng mga Pilipino sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Sinabi ni BFP Director, C/Supt. Enrique Linsangan na magpapatrulya ang kanyang mga tauhan sa mga kilalang “fire-prone areas” sa buong bansa sa bisperas ng Bagong Taon na aabot sa 117 lugar.

Nakatakda ring makipagkoordinasyon ang BFP sa mga lokal na pamahalaan upang maging handa rin sa oras ng emergency sa kanilang lugar.

Nakahanda ang 1,272 nilang mga trak at 94 ambulansya upang agad na rumesponde sa mga emergency tulad ng sunog, at maging mga naputukan at tinamaan ng ligaw na bala.

Patuloy naman na nagpapa-alala ang BFP sa publiko na iwasan nang magpaputok upang hindi maging sanhi ng sunog. 

Kung hindi mapipigilan, tiyakin na hindi basa ang kamay, huwag ilalagay ang paputok sa bulsa, huwag dadampot ng mga hindi sumabog na paputok at huwag hahawakan ito kung pa­puputukin na. (Danilo Garcia)

Show comments