Nangako kahapon ang kauupo lamang na bagong hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) na si dating PNP chief Oscar Calderon na la lansagin niya ang mga drug ring operators na kumikilos sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) ng Muntinlupa City.
Sinabi pa ni Calderon na sa kanyang panunungkulan ay mahigpit niyang ipapatupad ang pagsawata sa talamak na bentahan at pagpupuslit ng droga sa loob ng nasabing pambansang piitan.
Kaugnay nito, inatasan na kahapon ni Calderon ang kanyang mga tauhan na kilalanin o tukuyin ang mga drug ring operators na kumikilos sa loob ng national penitentiary para sa agarang pag-sakote sa mga ito.
Sinabi pa ni Calderon na gagawin niyang “drug free” ang NBP kung saan kabilang ito sa listahan ng kanyang mga programa para sa kaayusan at ikabubuti ng mga imates dito.
Kabilang din sa mga pangunahing isasaayos umano ni Calderon ay ang pagtukoy sa mga suhulang “sindikato” sa loob ng NBP na umano’y nasa likod ng wala sa oras o iligal na paglabas sa mga selda ng ilang mga inmates at ang mga sikretong lagusan ng mga ito.
Ang nasabing hakbang ayon pa kay Calderon ay upang hindi na maulit pa ang kahalintulad na pangyayari sa isyu ng “pag-puga” ni Jalosjos na naging ugat upang masibak sa kanyang pwesto ang pinalitan nitong hepe ng BuCor na si Ricardo Dapat.