Binalaan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang lahat ng Pinoy sa Pakistan na huwag lumahok sa mga political rally kasunod ng assassination kay dating Prime Minister Benazir Bhutto noong Huwebes ng gabi.
Sinabi ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Esteban Conejos Jr. dapat na isagawa ng mga Pinoy sa nasabing bansa ang kaukulang pag-iingat dahil posibleng lumala pa ang sitwasyon doon.
Nag-isyu na ang Embahada ng Pilipinas ng travel warning sa mga Pinoy sa Karachi at Lahore doon, bagaman hindi pa naman kailangan ang paglilikas sa mga Pinoy.
Ayon kay Conejos, aabot sa 3,000 ang mga Pinoy na naninirahan at nagtatrabaho sa Pakistan.
Umabot na sa 33 katao ang namama tay sa bansang Pakistan makaraang sumiklab ang kaguluhan at iba’t ibang riot bunsod ng pagkakapaslang kay Bhutto. (Joy Cantos)