Pinayuhan ng Land Transportation Office (LTO) ang lahat ng vehicle owners ng model ’98 pababa na kilatising mabuti ang refrigerant ng sasakyan bago magpa-convert mula R12 para gawing 134A o friendly refrigerant upang makatulong na maibsan ang problema sa global warming ng mundo.
Ayon kay Engr. Joel Donato, hepe ng Motor Vehicle Inspection Section (MVIS) ng LTO, kailangang tingnang mabuti ng mga car owners na kulay light blue ang 134 A refrigerant na gagamitin sa sasakyan kung hindi ay wala itong garantiya na makatulong na maibsan ang problema sa global warming dahil nakakabutas din ito ng ozone layer ng mundo.
Unti-unting inaalis ng LTO ang mga freon o R12 refrigerant na gamit ng mga sasakyang may modelo mula 1998 pababa dahil isa ito sa mga nakakabutas ng ozone layer ng mundo.
Pinapayuhan ng LTO MVIS ang lahat ng mga may-ari ng naturang sasakyan na palitan na ng 134A ang refrigerant o pampa lamig sa sasakyan tuwing inire-rehistro sa LTO.
Sa taong 2012 ay total phase out na ang paggamit ng R12 refrigerant kayat maaari nang iimpound ng LTO ang mga kotse na gamit pa rin ang R12 sa naturang taon.
“Ito ay isa lamang sa mga hakbang ng LTO upang makatulong sa bansa na mapangalagaan ang ozone layer ng mundo na ayon naman sa Clean Air Act ng gobyerno, ”pahayag ni Donato.
Sinabi pa nito na bukod sa freon phase out, ang panghuhuli sa mga smoke belchers na sasakyan at ’di pagrerehistro sa mga mausok na sasakyan ang mga paraang ginagawa ng LTO para makatulong na huwag madadagan ang mga elementong makakaapekto sa global warming o pag-init ng mundo.
Patuloy ang problema ng mundo sa global warming dahilan naman sa pagkabutas ng ozone layer bunsod naman ng patuloy na paggamit ng mga tao sa mga kemikal at iba pang mga bagay na bumubutas nito tulad ng freon o R12. (Angie dela Cruz)