Dinagdagan pa ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ng P500,000 ang reward money para sa agarang paglutas sa kaso nang pagpatay kay radio broadcaster Ferdie Lintuan.
Ayon kay Duterte, mula sa dating P500,000, nasa P1 milyon na ngayon ang pabuya para sa impormasyon na makapagtuturo sa kinaroronan ng mga suspek at ang natitira pang kalahating milyong piso pa ay para naman sa mga operatiba na unang makakalu tas sa nasabing kaso.
Samantala, isang taon matapos magretiro sa AFP si ret. Major Gen. Jovito Palparan ay muli na namang lumutang at naging kontrobersyal ang pangalan nito kamakailan.
Ayon sa isang military official sa Region XI na tumangging magpakilala, dapat rin umanong imbestigahan si Palparan kaugnay sa pagkamatay ni Lintuan.
Ayon sa naturang opisyal, dalawang linggo na umano ang nakararaan nang tumanggi ang mga opisyal ng PNP at AFP sa Davao na magtungo doon si Palparan upang umano mag-operate.
Si Palparan ay sinasabing consultant ngayon ni Davao City Congressman Boy Nograles.
Matatandaan na noong nasa serbisyo pa si Palparan ay iniuugnay ang pangalan nito sa mga pagdukot at pagpatay sa mga miyembro ng militanteng grupo at maging ng ilang mediamen.
Nangako naman si PNP Chief Gen. Avelino Razon Jr. na titingnan ang lahat ng anggulo pati na ang ulat hinggil sa umano sinasabing pag-operate ni Palparan sa Davao. (Mer Layson)