Puspusan na ang gi nagawang paghahanda ngayon ng Department of Health (DOH) at ng mga government hospitals sa bansa kaugnay nang inaasahang pagdagsa ng mga posibleng mabiktima na naman ng mga paputok dahil sa nalalapit na pagsalubong ng sambayanan sa Bagong Taon.
Daan-daang medical personnel ang naka-standby at handang umaksyon sa anumang oras upang tumugon sa mga emergency cases na posibleng maganap dahil sa nasabing pagdiriwang.
Sa Philippine General Hospital (PGH) pa lamang umano ay 60 medical personnel na ang nakaantabay at mayroon umanong kumpletong mga equipment upang gamutin ang mga inaasahang magiging pasyente nila.
Sa kasalukuyan ay mayroon na umanong naitalang isang stray bullet victim sa PGH at isang bata na nasugatan sa pisngi dahil naman sa watusi o dancing firecracker.
Nauna rito, inihayag na ng DOH-National Epidemiology Center (NEC) na mula Disyembre 21 ay nakapagtala na sila ng 15 kaso ng firework-related injuries.
Sa nabanggit na bilang ay tatlo umano ang paslit at 11 naman ang pawang mula sa Metro Manila habang ang iba pa ay mula naman sa Western Visayas at Northern Mindanao.
Paulit-ulit namang nananawagan si Health Secretary Francisco Duque III sa publiko na iwasan na ang paggamit ng paputok upang makaiwas rin sila sa anumang aksidente at pinsala.
Aniya, maaari namang gumamit ng mga alternatibong bagay upang makapag-ingay at maging masaya ang pagsalubong sa Bagong Taon. (Doris Franche)