Biglang milyunaryo ang isang sibilyang tipster ng militar matapos itong tumanggap ng P10 milyong reward dahil sa kanyang positibong impormasyon na nagbunsod sa pagkakasugpo kay Abu Sayyaf Chieftain Khadaffy Janjalani na napatay sa engkuwentro sa Sulu noong 2006.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Armed Forces of the Philippines-Western Command Commander Major Gen. Nelson Allaga.
Ayon kay Allaga, bandang alas-10:00 ng umaga kamakalawa ay iginawad nila ang reward sa tipster ni Janjalani.
Si Janjalani na kilala rin sa alyas na DAF at Pek ay napaslang sa engkuwentro sa tropa ng militar sa Patikul, Sulu noong Setyembre 24, 2006 kung saan ang bangkay nito ay nahukay noong Disyembre 27 ng nasabi ring taon sa pagitan ng kabundukan ng Patikul at Jolo ng lalawigan.
Noong Enero 20, 2007 ay kinumpirma naman ni AFP Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon Jr. base sa resulta ng DNA test na isinagawa ng mga forensic expert ng Federal Bureau of Investigation na positibong si Janjalani ang nahukay na bangkay matapos na pagkumparahin ang sample tissue sa nakakulong nitong kapatid na si Hector Janjalani.
Si Khadaffy ang humalili sa kapatid nitong si Ustadz Abubakar Abdurajak Janjalani, founder ng Abu Sayyaf na napaslang naman sa pakikipag-engkuwentro sa mga operatiba ng pulisya sa Isabela, Basilan noong Disyembre 18, 1998.
Idiniin ni Allaga na ang kanilang pagkakaloob ng reward ay patunay lamang na hindi nagpapabaya ang pamahalaan sa pagbibigay halaga sa makabuluhang partisipasyon ng mga sibilyan sa pagpapanatili ng kapayapaan sa buong bansa partikular na sa kampanya laban sa terorismo.
Kaugnay nito, tiniyak ni Allaga sa lahat ng nagnanais maging impormante ng militar na bibigyan nila ang mga ito ng seguridad gayundin ang kanilang mga pamilya.
Magugunita na nagpalabas ang pamahalaan ng United States ng $5 milyong reward kapalit ng pagkakaaresto sa mga top leaders ng Abu Sayyaf na pinamumunuan ng napatay na si Janjalani. Ang nasabing reward ay bukod pa sa gantimpalang inilaan ng pamahalaan ni Pangulong Arroyo. (Joy Cantos)