Walang magaganap na krisis sa basura ngayong holiday season kasabay ng panawagan sa mamamayan na maging responsable sa pagtatapon ng kanilang basura.
Nabatid kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani Fernando, inaasahan na ng kanilang ahensiya ang tone-toneladang basura ngayong panahon ng Kapaskuhan, partikular sa mga lugar na dinarayo ng mga mamimili tulad ng Divisoria, Baclaran, Balintawak at mga malalaking malls kaya’t nakipag-ugnayan na siya sa mga pinuno ng local na pamahalaan na siguruhin ang pagkolekta ng kani-kanilang contractors.
Sinabi ni Fernando na makatitiyak ang mga residente sa bawat lungsod na regular ang magiging koleksiyon ng basura sa pagdiriwang ng Kapaskuhan kaya’t walang mga lugar na magkakaroon ng ga-bundok na basura tulad ng mga nangyari noong mga nagdaang taon.
“We have secured commitments from local officials and pri vate garbage haulers to collect garbage after Christmas and New Year,” pahayag ni Fernando.
Sinabi pa ni Fernando na nakipag-ugnayan na rin ito sa mga opisyal ng Rizal Province at Navotas City na siyang nangangasiwa sa mga basura sa Metro Manila na i-accommodate ang Metro Manila garbage.
Nabatid na karaniwang dumodoble ang nakokolektang basura sa Metro Manila pagsapit ng buwan ng Disyembre, mula sa ordinaryong 3,000 hanggang 4,000 tons na basura sa mga regular na araw ay umaabot ito ng hanggang 5,000-6,000 tons kapag Disyembre.
Nagbanta naman ang mga opisyal ng local na pamahalaan sa mga magtatapon ng basura sa lansangan ng wala pang nagdaraang garbage truck, na magdiriwang sila ng Pasko sa kulungan sa oras na mahuli ng Environmental ang Sanitation officers. (Lordeth Bonilla)