Walang napabilang na mga controversial personalities sa 64 inmates sa New Bilibid Prison (NBP) na binigyan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng presidential pardon at makakauwi sa kani-kanilang pamilya bilang regalo ngayong Kapaskuhan.
Ayon kay Presidential Spokesman at Press Secretary Ignacio Bunye, mananatili pa rin sa Muntinlupa sina Rolito Go, Ambet Antonio, dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez at dating Zamboanga del Norte Rep. Romeo Jalosjos matapos hindi sila mapasama sa mga nabigyan ng presidential pardon.
Sinorpresa kahapon ni Sec. Bunye ang 64 inmates sa National Penitentiary nang ipabatid sa mga ito ang ipinagkaloob ng executive clemency sa kanila.
Naging basehan sa pagkakaloob ng pardon ang edad 70 ng mga ito at dahil na rin sa humanitarian reasons.
Wika pa ni Bunye, umabot sa 258 inmates ang nabigyan ng executive clemency sa taong ito habang 173 naman ang na-commute ang kanilang sentence ka bilang si Jalosjos na mula sa double-life ay naibaba sa 16 years imprisonment.
Ang 40 mula sa 64 inmates na nabigyan ng pardon ay nakalaya na agad kahapon at makakauwi na sa kanilang pamilya ngayong Kapaskuhan.