Budget ng OMB hindi na haharangin ni Sen. Villar
Tuluyan nang binawi kahapon ni Senate President Manuel Villar ang kanyang rekomendasyon na tanggalan ng budget ang Optical Media Board sa gagawing deliberasyon ng bicameral conference committee kaugnay sa 2008 national budget.
Ikinonsidera ni Villar ang naging pahayag ni Sen. Ramon ”Bong” Revilla Jr. na tututulan ng huli ang pagtanggal sa budget ng OMB kahit nagkaroon sila ng “word war” ni OMB chair Edu Manzano.
Matatandaan na pinuna ni Villar ang pagiging inutil ng OMB sa pagsugpo ng software at movie piracy sa bansa na nagpapabagsak sa movie industry.
Hindi aniya nagtagumpay ang ahensiyang pinamumunuan ni Manzano na mapigil ang mga namimirata.
Sinabi naman ni Villar na mukhang nagkaayos na sina Revilla at Manzano.
“Mukhang nagkaayusan na sila (Manzano, Revilla),” sabi ni Villar.
Hindi rin naman pabor si Villar sa isinusulong ng ilan na pagbuwag sa OMB at sa halip at pinayuhan nito ang liderato ng ahensiya na pagbutihin pa ang pagtatrabaho. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending