Isang 33-anyos na Pinoy nurse ang nililitis sa United Kingdom matapos itong ireklamo ng panggagahasa laban sa isang 16-anyos nitong pasyente sa lavatory ng Oxford hospital sa nasabing bansa.
Sa ulat na tinanggap kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA), kinilala ang nasabing Pinoy nurse na si Oliver Balicao.
Inamin naman ni Balicao na nakipag-sex umano siya sa kanyang pasyente na hindi muna tinukoy ang pangalan pero itinanggi na pinilit niya ang menor de edad na biktima.
Nabatid sa ulat na ang biktima ay nahilo umano dahilan sa overdose sa paracetamol na ininom nitong gamot ng mangyari ang insidente.
Isinalaysay rin ng biktima na noong una ay nagpakita umano ng kabutihan sa kaniya ang nasabing Pinoy nurse na siyang kulang sa kanyang malungkot na buhay kung saan ay nakuha nito ang kanyang loob.
Itinanggi rin ng biktima ang pahayag ni Balicao na tinukso niya ito ng maganap ang panggagahasa sa lavatory ng John Radcliffe Hospital sa Oxford.
Pinaghahalikan umano siya at pinaghihipuan pa sa maseselang bahagi ng katawan bago siya nito dinala sa lavatory para kunan umano ng ‘urine sample’ ng maganap ang panghahalay sa kanya ng suspek. (Joy Cantos)