Nilagdaan na ni Pangulong Arroyo ang pagkakaloob ng presidential pardon sa may 57 inmates sa National Bilibid Prison na may edad 70 anyos pataas.
Sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita, hindi kabilang ang mga natitirang convicts sa double-murder case nina Sen. Ninoy Aquino at Rolando Galman sa mga nabigyan ng presidential clemency.
Aniya, tanging ang mga presong may edad na 70 anyos pataas ang mapapalaya bilang regalo ng Pangulo ngayong Kapaskuhan.
Samantala, makakalaya na ngayong January 10, 2007 ang tinaguriang priest killer na si Norberto Manero.
Si Manero ay nakulong sa NBP mula pa noong 1985 sa pagpatay kay Italian priest Tulio Favali sa Mindanao.
Kinumpirma naman ni Atty. Percida Acosta, chief ng Public Attorney’s Office (PAO) na nasa line-up din ng mga big-time personalities na nakakulong ngayon sa NBP na kinabibilangan nina dating congressman Romeo Jalosjos at Rolito Go ang makakalaya na.
Bagama’t may tatlong taon pa sanang bubunuin sa loob ng piitan si Jalosjos ay mapapaaga umano ang paglaya ng dating mambabatas at posibleng matuloy ito sa loob ng buwang ito.
Susunod din na lalaya si convicted killer Rolito Go kung maaprubahan ang political pardon na inihihirit ng pamilya nito kay Pangulong Arroyo.
Nakakaranas na rin umano ng matinding karamdaman si Go sa sakit sa puso at asthma.
Ang negosyanteng si Go ay sinentensiyahan ng reclusion perpetua noong Nov. 4, 1993 sa salang pagpatay kay La Salle student Eldon Maguan noong July 2, 1991 na nakagitgitan niya sa trapiko sa San Juan, Greenhills.
Samantala, posibleng makalaya rin sa susunod na taon ang mga akusado sa Aquino-Galman double murder case na kinabibilangan ni Felizardo Taran na may diabetes at hypertension. (Rudy Andal/Rose Tamayo-Tesoro)