Testigo sa Batasan blast bumaligtad
Bumaligtad ng ang pangunahing testigo ng gobyerno kaugnay sa naganap na Batasan Complex blast na ikinasawi ni dating Basilan Representative Wahab Akbar at ikinasugat ng 12 iba pa.
Harapang isinalaysay ni dating Tuburan, Basilan Mayor Hajarum Jamiri, sa media ang mga dahilan kung bakit umano siya umamin sa nais ipagawa ng gobyerno na tumestigo at pagdadawit kina Congressman Mujiv Hataman at dating Congressman Gerry Salapuddin sa pagpapasabog sa lobby ng Batasan Complex.
Ani Jamiri, puwersahan siyang pinapirma sa nasabing affidavit makaraang tortyurin ng mga awtoridad na dumakip sa kaniya.
Kabilang umano sa dinanas na pahirap sa kamay ng mga awtoridad ang pambubugbog, pagkuryente sa kaniyang ari at pagpisil sa testicles.
Maliban pa rito, ‘tinubig’ sa terminolohiya ng mga pulis, o binuhusan pa umano ng mga ito ng malamig na tubig ang kaniyang ilong na halos hindi na siya makahinga. Ang lahat ay ginawa sa kaniya sa loob ng isang sikretong lugar bago pa siya dalhin ng mga pulis sa Kampo Krame.
Dagdag pa ni Jamiri, wala naman talaga siyang kinalaman sa pagpapasabog sa Batasan Complex at nabatid niya lamang ang tungkol dito nang mabalitaan na niya sa media. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending