Lumobo umano ang bilang ng mga manggagawang dayuhan na nagtatrabaho sa bansa mula Hunyo hanggang Nobyembre ng kasalukuyang taon kumpara sa parehong period noong 2006, pahayag kahapon ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Marcelino Libanan.
Sa rekord ng BI, tumaas ng may 83 posiyento ang bilang ng mga expatriates o dayuhang manggagawa na nag-apply ng working visa sa bureau sa loob ng nasabing period kumpara noong nakaraang taon.
Sa loob aniya ng nasabing mga buwan, umabot na sa may 3,400 dayuhan ang kanilang nabigyan o naisyuhan ng pre-arranged employment visas.
Sinabi rin ni Libanan na ang pagsirit ng nasabing bilang ay resulta lamang din ng pinaigting na kampaya o crackdown ng bureau laban sa mga dayuhang illegal na nagtatrabaho sa Pilipinas.
Kasabay nito, nilinaw naman ng BI chief na labag sa batas ang pagtatrabaho sa loob ng bansa ng isang dayuhan na walang kaukulang pahintulot ng pamahalaan. Layunin lamang naman umano ng nasabing batas na protektahan ang interes ng mga manggagawang Pilipino na manakawan ng hanapbuhay o livelihood opportunities ng mga dayuhan.
Umapela rin naman si Libanan sa publiko na agad isumbong sa kaniyang tanggapan ang mga dayuhan na ilegal na nagtatrabaho sa loob ng bansa upang agad na maaresto at maipa-deport. (Mer Layson)