“They can run but they cannot hide forever, eventually darating yung panahon that the long arms of the law will catch them.”
Ito ang mensahe kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa puganteng si Marine Capt. Nicanor Faeldon at dalawa pa kaugnay ng pagkakasangkot sa Manila Peninsula siege noong Nobyembre 29 sa Makati City.
Ayon kay AFP-Public Information Office (AFP-PIO) Chief Lt. Col. Bartolome Bacarro, hindi sa lahat ng pagkakataon ay makakapagtago sa batas sina Faeldon. May lead na umano ang militar sa mga posibleng pinagtataguan nina Faeldon ngunit tumangging idetalye ito.
“May isa pa silang option, the other option is for them to surrender voluntarily, otherwise the AFP and PNP and other law enforcement agencies will exert effort for their arrest,” ani Bacarro.
Maliban kay Faeldon, pinaghahanap din sina TSgt. Elmer Colon at Sgt. Sonny Madarang. Una nang nahuli sa NAIA si Marine Private First Class Arvin Celestino nitong Disyembre 5 habang pasakay ng ero plano patungong Amerika.
Tiniyak naman ni Bacarro na wala ng grupo sa militar ang susuporta pa sa grupo nina Faeldon sa tangkang pagpapabagsak sa gobyerno.
Idinagdag pa ng opisyal na puspusan rin ang pagbabantay sa mga paliparan, terminal ng bus at mga daungan upang harangin sina Faeldon na posibleng tumakas palabas ng bansa. (Joy Cantos)