Faeldon tatakas sa Pinas

May plano umanong tumakas palabas ng bansa si Marine Capt. Nicanor Faeldon matapos nitong malu­su­tan ang mga awtoridad sa nangyaring siege sa Manila Peninsula Hotel sa Makati City noong Nobyembre 29.

Nakatanggap ng intelligence report ang mga opisyal ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na susunod rin sana sa airport si Faeldon sakaling nagtagumpay na makaalis ng bansa ang nasakoteng si Magdalo member Private First Class Arvin Celestino.

Ang nasilat na pagtakas ni Celestino ay ‘test case’ umano ni Faeldon na nagpaplano ring lumabas ng bansa. Nasakote si Celestino matapos mabigong makapag­pakita ng travel authority sa checkpoint sa NAIA nang tangkain nitong tu­makas pasakay ng Northwest Airlines 072 patungong Amerika nitong Miyerkules ng madaling araw.

Bunga nito ay lalo namang tumibay ang hinala ng pulisya na nasa Metro Manila lamang si Faeldon. 

Patuloy na isinasailalim sa interogasyon si Celes­tino upang ituro kung saan nagtatago si Faeldon.

Maliban kay Faeldon, pinaghahanap pa sina  Sgt. Sonny Madarang at Technical Sgt. Elmer Colon. (Joy Cantos) 

Show comments