Inamin kahapon ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. na nainsulto siya sa pahiwatig ni Optical Media Board (OMB) Chairman Edu Manzano na walang karapatan ang senador para pakialaman ang mga gawain ng OMB.
Muling nabuhay ang iringan ng dalawa matapos ang raid na isinagawa kamakalawa ng tanggapan ni Revilla laban sa mga pirated CDs na ayon kay Manzano ay walang koordinasyon sa kanya.
“Maraming dapat ipaliwanag si Chairman Manzano at dapat magsimula ito sa biglang pag-atras niya na lumitaw sa raid. Sabi niya maysakit siya. Nakakapagtakang kaagad siyang gumaling, “ani Revilla, na dismayado sa pahayag ni Manzano na walang koordinasyon ang kanyang partisipasyon sa pagsalakay.
Ayon kay Revilla, dapat isipin ni Manzano na siya ang chairman ng Joint Congressional Oversight Committee on the Optical Media Board kaya may tungkulin at responsibilidad siyang tutukan ang tamang implementasyon ng Republic Act 9239 o ang Optical Media Act of 2003.
“Gaya ng naunang sinabi ko, sumali ako sa raid dahil bilang chairman ng joint congressional oversight committee, kailangan nating malaman kung paano ipinapatupad ang batas. May mga tanong na dapat masagot kapag nirebisa natin ang batas. Halimbawa, umaakma ba ang batas sa pag-unlad ng teknolohiya?” pinunto niya.
Binigyang-diin ni Revilla na may tamang koordinasyon ang kanyang partisipasyon at nakausap pa niya si Chairman Manzano isang araw bago ang operasyon.
Duda rin ang mambabatas hinggil sa pagbago ng mga raid locations at kinontra niya ang rason ng OMB na ang mga vendors ng pirated discs na unang kinumpiska noong araw na iyon ang siyang nag-abiso sa kanilang kapwa manininda sa ibang lugar tungkol sa raid, kung kaya’t nasunog ang operasyon. (Malou Escudero)