Sinampahan na kahapon ng kasong rebelyon ng Department of Justice (DOJ) sina Senator Antonio Trillanes IV, Brig. Gen. Danilo Lim, dating Vice-President Teofisto Guingona at 15 pang personalidad kaugnay sa naganap na stand-off sa Makati noong Huwebes.
Base sa 10 pahinang resolution na ipinalabas ng DOJ bukod kay Trillanes, Lim at Guingona kinasuhan din sa kasong paglabag sa Article 134 (Rebellion) ng Revised penal code sina Bishop Julio Labayen; Rev. Father Robert Reyes; Capt Gary Alejano; Capt. Segundino Orfiano Jr.; LTSG Manuel DG Cabochan; LTSG James Layug; LTJG Arturo Pascua Jr.; LT. Eugene Peralta; LT Andy Torrato; 1LT Billy Pascua; 1LT Jonnel Sangalang; ENS Armand Pontejos; Atty. J.V Bautista; Atty. Arjee Guevarra; Francisco Nemenzo; Julius Mesa; Cezari Yassir Gonzales; CPL Clecarte Dahan; PFC Juanito Jilbury; PFC Emmanuel Tirador; PFC German Linde; Antonio Trillanes III; Myrna Buendia; Dominador Rull Jr.; Romeo Solis; Roel Gadon, Rommel Loreto; Julian Advincula; Francisco Bosi; Leodor Dela Cruz; Sonny Madarang, Elizabeth Siguion-Reyna at Francisco Penaflor.
Samantalang release for further preliminary investigation dahil sa kasong inciting for rebellion sina Atty. El Cid Fajardo; Herman Laurel; Leonido Toledo Jr.; Evangeline Mendoza; Jose A Albert; Eduardo Castro; Ferdinand Sandoval; Julio Ancheta; Stella Guingona; Maamor Lento; Romeo Dacles; Ryan Custodio; Edgardo Viana; Tulalay at Ray Linaac.
Hindi naman kasama sa nakasuhan si Capt. Nicanor Faeldon na kasalukuyang nagtatago at release for further preliminary investigation.
Ayon kay DOJ Secretary Raul Gonzalez, pasok sa kasong rebellion ang grupo ni Trillanes dahilan sa mga ginawang pag-aaklas ng mga ito matapos na mag-walk-out sa isinasagawang hearing sa sala ni Makati Regional Trial Court Judge Oscar Pimentel noong umaga ng Huwebes habang dinidinig ang kanilang kaso ka ugnay pa rin sa Oakwood mutiny.
Bukod dito, nanawagan din sila na bumaba sa puwesto si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at ang paghihikayat sa publiko na lumahok sa kanilang pag-aaklas upang magkaroon ng pagbabago ang gobyerno na siyang binasa ni Gen. Lim sa harapan ng mga mamamahayag.
Matibay ding ebidensya ang nakuhang sulat kamay ng “escape plan” ni Trillanes at mga kasama nito mula sa court room ng Makati City hall, listahan ng mga miyembro nito, distribution of firearms, lugar ng daraanan ng mga ito at ang rules of engagement sakaling magkaroon ng komprontasyon.
Samantala, nagpalabas na rin ng Hold Departure Order (HDO) ang DOJ laban sa mga nabanggit na pangalan upang hindi sila makalabas ng bansa habang dinidinig ang ka nilang kaso.
Sinabi naman ng abogado ni dating Vice-President Guingona na si Atty. Ernesto Francisco na pinag-aaralan pa nilang mabuti kung ano ang kanilang dapat gawin subalit mahihirapan umano ang prosekusyon na patunayan na nagkaroon ng conspiracy partikular na sa mga sibilyan
Iginiit pa ni Francisco na mahirap na patunayan na nagkaroon ng rebelyon sa naturang insidente dahilan sa ang naganap dito ay isang peaceful assembly at ang mga awtoridad ang siyang nang assult at hindi ang grupo ni Guingona.
Ayon naman kay Gonzalez, na mayroon pa silang inihahandang ebidensiya laban sa mga akusado habang pinag-aaralan pa nila kung sino ang financier ng nasabing grupo. (Dagdag na ulat ni Ellen Fernando)