Inihayag ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services (Pagasa) na patuloy na makakaranas ang bansa ng lamig ng panahon dahil sa pagpasok ng “northeast monsoon” o hanging Amihan buhat sa Hilagang Asya.
Sinabi ni Dr. Prisco Nilo, hepe ng Pagasa, na nag-umpisa ang malamig na panahon nitong Nobyembre matapos na gatungan ng pumasok na bagyo sa bansa. Nilinaw nito na normal lamang ang lamig ng panahon at walang “climate change”.
Sa bulletin ng Pagasa, inaasahan na makakaranas ng 29 at bababa ng hanggang 17 degrees Celsius ang temperatura sa Metro Manila ngayong Lunes. Naitala naman sa MM ang pinakamalamig na temparatura nitong Sabado ng umaga na umabot ng 19 degrees Celsius.
Hindi hamak na mas matindi naman ang lamig sa lungsod ng Baguio kung saan sa limang weather forecast, makakaranas ito ng pagbaba ng temperatura ng hanggang 7 degrees Celsius at pinakamataas na ang 19 degrees Celsius.
Wala namang naiiulat na sama ng panahon na posibleng maging bagyo malapit sa Philippine territory, ayon pa kay Nilo. (Danilo Garcia)