Nakatakdang sampahan ng kaso ng National Press Club ang Philippine National Police (PNP) sa Commission on Human Rights (CHR) dahil sa umano’y iligal na pag-aresto sa mga miyembro ng media sa naganap na “standoff” sa Manila Peninsula, Makati City nitong nakalipas na Huwebes.
Sinabi ni NPC President Roy Mabasa na magtutungo sila ngayong Lunes sa CHR sa Quezon City upang isampa ang kaso laban kina PNP Chief, Director General Avelino Razon at National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Director Geary Barias.
Kukuwestiyunin din sa Korte Suprema ng NPC ang legalidad ng ginawang pag-aresto sa mga mamamahayag, pagpapatupad ng curfew at pagkansela sa permit sa pagdadala ng baril matapos ang Peninsula standoff.
Iginiit ni Mabasa na hindi maaring idahilan ng mga pulis na may nagpanggap na media sa mga miyembro ng Magdalo group kaya ipinosas ang lahat ng mamamahayag na nagco-cover kina Trillanes.
Nangangamba ang NPC President na ang utos ng Malakanyang ang gawing “piecemeal” basis sa mga pangha-harass sa media.
Ayon kay Mabasa, nais nilang malaman kung sino sa PNP ang nag-utos na arestuhin ang mga miyembro ng media na nagko-cover sa loob ng naturang hotel at nagpaposas sa mga ito.
Iginiit nito na paglabag sa karapatang pantao at isinasaad ng “Miranda Doctrine” ang pagposas sa mga mamamahayag na ginagampanan lamang ang kanilang tungkulin. Ito’y lalo na dahil sa wala namang “warrant of arrest” ang mga pulis na umaresto sa mga mama hayag.
Matatandaan na inaresto rin ang mga miyembro ng media na naabutan sa loob ng Manila Peninsula ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group at dinala sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig. Pinalaya rin naman ang mga ito matapos na sumailalim sa beripikasyon.
Tinanggihan naman ni Luis Teodoro ng Center for Media Freedom ang paghingi ng paumanhin ni Razon at iginiit na si Pangulong Arroyo ang dapat humingi ng tawad dahil sa pagkakamali.
Katwiran ni Razon, ginawa lamang ang pagdampot sa mga miyembro ng media para isailalim sa beripikasyon dahil sa pangamba na humalo at nagpanggap na mama hayag ang ibang mga rebelde. Ipinosas naman umano ang mga media dahil sa kasama ito sa ”standard operating procedure”.
Una na ring kinastigo ng NPC, Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas (KBP) at National Union of Journalists in the Philippines (NUJP) ang naturang insidente.