Caloocan, Calamba twin cities na!

Pormal nang binuo ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri at Calamba City Mayor Joaquin Chipeco ang kasunduan sa pagiging “sister cities” ng dalawang makasaysayang lungsod. 

Ayon kay Echiverri, may isang taon din nilang pinagpaplanuhan ang kasunduan na parang iginuhit ng kasaysayan dahil si Gat Jose Rizal ay nagmula sa Calamba at si Gat Andres Bonifacio naman ang simbolo ng Caloocan at siyang pinagsimulan ng himagsikan.

Naniniwala ang dalawang alkalde na parehong makikinabang ang Caloocan at Calamba sa “sisterhood.” 

Lalo ring mapauunlad ang mga industriya sa Caloocan at Calamba sa pamamagitan ng nasabing kasunduan.

Ang Caloocan ay kilala sa dekalidad subalit murang muwebles at tinaguriang “Motorcycle Capital of the Philipines,” samantalang ang Calamba ay may industrial zone at dinarayo sa mga hot springs at Mt. Makiling.

Ibinigay ni Chipeco kay Echiverri ang banga bilang simbolo ng Calamba, susi ng siyudad at mga pins para sa mga miyembro ng Konseho. 

Sa bahagi naman ng Caloocan, hinandog ni Echiverri kay Chipeco ang imahe ng bantayog ni Bonifacio at susi na gawa sa fiberglass. At para sa mga miyembro ng Konseho ng Calamba ay Recom wine ang kanyang ipinamahagi. (Lordeth Bonilla)

Show comments